Cavite News

Upholding Truth

Cities and Towns

Mahigit P67M Cash Advance, Walang Sapat na Bond sa Kawit, Cavite, Bistado sa COA Report

KAWIT, Cavite — Umabot sa mahigit ₱67 milyon ang halaga ng cash advance na tinanggap ng 17 opisyal ng pamahalaang bayan ng Kawit na mga taohan ni Mayor Angelo Aguinaldo na hindi saklaw ng kanilang fidelity bond, ayon sa ulat ng Commission on Audit (COA) para sa taong 2020.

Itinuturing ito ng COA bilang seryosong paglabag sa mga alituntunin ng Treasury Circular No. 002-2009 at Presidential Decree No. 1445, na naglalagay sa pamahalaan sa panganib ng hindi mabayarang pagkalugi sanhi ng defalcations, shortages, at unreleased accountabilities.

Ayon sa tala ng COA, karamihan sa mga opisyal ay may bond na tanging ₱25,000 lamang, ngunit tumanggap ng cash advances na lampas-lampas sa itinakdang limitasyon. Pinakamalaki sa mga ito ay ang kay Agustina Lavina, na may maximum cash accountability na ₱5 milyon ngunit tumanggap ng cash advance na umabot sa ₱61.1 milyon.

Ilan pa sa mga opisyal na may malalaking paglabag ay sina:

  • Rey Victor Santos, may labis na cash advance na ₱1.9M
  • Mary Joyce Cavas, ₱872.5K
  • Marites Mengote, ₱465.4K
  • Antonio Napalan Jr., ₱359K

Ayon sa COA, ang ganitong uri ng kapabayaan ay hindi lamang lumalabag sa umiiral na batas kundi nagbubukas ng posibilidad para sa katiwalian at maling paggamit ng pondo ng bayan.

Administrasyon ni Mayor Angelo Aguinaldo, Kinuwestiyon

Ang responsibilidad ng pagpapatupad ng tamang bonding requirement ay nasa ilalim ng pamumuno ni Mayor Angelo Aguinaldo.

Sa halip na tiyakin ang tamang paggamit ng pondo at pagsunod sa batas, nabigong ipatupad ng kanyang administrasyon ang sapat na mga kontrol. Hindi rin nito inatasan ang Municipal Treasurer na i-adjust ang halaga ng fidelity bond ng mga opisyal, taliwas sa malinaw na probisyon ng batas.

Sa ilalim ng Section 101 ng PD No. 1445, sinasaad na:
“Every accountable officer shall be properly bonded in accordance with law.”

Sa halip, paulit-ulit na lumagpas ang mga opisyal sa kanilang bond limit nang walang sapat na aksyon mula sa pamahalaang lokal, isang senyales ng kakulangan sa pananagutan o sadyang pagkunsinti sa hindi makatarungang pamamahala ng pondo.

Rekomendasyon ng COA

Binigyang-diin ng COA na dapat agad na utusan ng alkalde ang Municipal Treasurer na taasan ang fidelity bond ng mga opisyal upang masaklaw ang kanilang aktwal na accountability, o kung hindi, ay limitahan ang cash advances sa loob ng itinakdang halaga ng kanilang bond.

Ang pagkukulang na ito ay hindi lamang teknikal na paglabag kundi isang seryosong banta sa integridad ng pananalapi ng bayan.



Discover more from Cavite News

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

LEAVE A RESPONSE

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.