IMUS, Cavite – Pinuri ng mga motorista at residente ang mabilis na pagkilos ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pag-aayos ng kalsada sa kahabaan ng Gen. Emilio Aguinaldo Highway na naapektuhan ng isang private utility contractor.
Ayon sa City Engineering Office, natanggap nila ang ulat hinggil sa hindi maayos na bahagi ng kalsada noong Lunes, Enero 22, 2024. Agad silang nagpadala ng mga tauhan at kagamitan upang maisaayos ang nasabing daan.
“Ang aming layunin ay mapanatili ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga gumagamit ng Aguinaldo Highway. Hindi namin papayagan na mabalewala ang kalidad ng kalsada dahil sa kapabayaan ng ilang private utility contractor,” sabi ng Imus City Engineering Office.
Dagdag pa ng opisina, patuloy ang kanilang koordinasyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang masiguro ang pagsunod ng mga private utility contractor sa mga alituntunin at pamantayan sa paghuhukay at pagbubukas ng kalsada.
Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga motorista at residente sa agaran at epektibong pagtugon ng Imus LGU sa isyu ng kalsada.
“Nagpapasalamat kami sa Imus LGU sa pag-aayos ng kalsada. Malaking tulong ito sa amin na makarating ng maayos at mabilis sa aming mga destinasyon,” sabi ni Pedro Cuaternos, isang driver ng jeepney.
“Maganda ang ginawa ng Imus LGU. Sana ay maging responsable din ang mga private utility contractor na hindi basta-basta nagbubukas ng kalsada at iniwan na lang ito ng hindi maayos,” ani Vicenta Saldivar, isang residente ng Imus.
Patuloy ang pagbabantay ng Imus LGU sa mga kalsada sa lungsod upang matiyak ang kalidad at kaayusan nito. Hinihikayat din nila ang publiko na magbigay ng feedback o reklamo kung may makita silang mga problema o aberya sa kalsada.
Discover more from Cavite News
Subscribe to get the latest posts sent to your email.
2 COMMENTS