Kawit LGU, Sinisingil ng COA sa P3.3 Milyon na ‘Inutang’ mula sa Trust Fund
KAWIT, CAVITE – Isang malaking halaga ng pondo na inuwi sa Trust Fund ng Munisipyo ng Kawit, Cavite ang itinuturong kapabayaan ng lokal na pamahalaan ni dating Mayor Angelo Aguinaldo na ngayoy Vice Mayor, ayon sa pinakahuling audit report ng Commission on Audit (COA).
Batay sa ulat, hindi naibalik ng Munisipyo ang P3,327,283.06 mula sa General Fund na ginamit para sa mga gastusin noong taong 2000.
Ang nasabing halaga ay hiniram mula sa Trust Fund, na labag sa Section 4(3) ng Presidential Decree No. 1445 o ang Auditing Code of the Philippines.
Ayon sa nasabing batas, “Ang mga trust fund ay dapat magamit lamang para sa tiyak na layunin kung bakit ito nilikha o natanggap.”
Malubha ang Kalagayan ng Trust Fund
Base sa Statement of Financial Position ng Trust Fund noong Disyembre 31, 2020, aabot sa P37.49 milyon ang kabuuang mga pananagutan (liabilities) nito, subalit ang nakalaang cash at cash equivalent ay P17.83 milyon lamang.
Kabilang sa mga natukoy na problema ang:
· P15 milyon na advances sa mga opisyal at empleyado para sa Social Pension ng mga Senior Citizens at Bayanihan Program, na natanggap noong Disyembre 2020 ngunit hindi pa naipapamahagi sa katapusan ng taon.
· P4.56 milyon na “Due from Other Funds,” kung saan kabilang ang naturang P3.3 milyon na hiniram noong 2000.
Hindi Naibalik ang Inutang sa Nakaraang Taon
Ayon sa COA, hindi nakapaglaan ng sapat na pondo ang Munisipyo sa nakalipas na mga taon upang maibalik ang hiniram na pera mula sa Trust Fund.
Ang dahilan umano ay ang “hindi pagtupad sa inaasahang kita” at kakulangan sa cash balance ng General Fund.

Ang patuloy na pagkakautang na ito ay direktang nakaaapekto sa kalagayang pampinansya ng Trust Fund, na dapat sana’y nakalaan para sa mga proyektong may kaukulang layunin.
Nanawagan ang COA sa pamunuan ng Kawit na agarang aksyunan ang isyu at siguraduhin na maibalik ang pera sa Trust Fund upang magamit sa mga lehitimong programa at serbisyo para sa mga mamamayan.
Discover more from Cavite News
Subscribe to get the latest posts sent to your email.




