City of Imus Integrated School – Maharlika, patuloy na itinatayo para sa de kalidad na edukasyon
Imus, Cavite – Patuloy ang konstruksyon ng City of Imus Integrated School – Maharlika, isang bagong paaralan na magbibigay ng de kalidad na edukasyon para sa mga batang Imuseño.
Ang nasabing paaralan ay mayroong 36 na silid-aralan, apat na science laboratories, dalawang computer laboratories, isang library, isang auditorium, at iba pang pasilidad na makakatulong sa pagpapaunlad ng mga kakayahan at kaalaman ng mga mag-aaral.
Ayon kay Cavite Third District Representative, Adrian Jay Advincula, oras na matapos ang pagtatayo ng nasabing paaralan ay maiiwasan na ang overcrowding sa mga classroom sa lungsod, na siyang dahilan ng learning interruptions sa mga mag-aaral.
“Ang City of Imus Integrated School – Maharlika ay isang malaking hakbang para sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa ating lungsod. Sa pamamagitan nito, masisiguro natin na ang bawat batang Imuseño ay makakatanggap ng sapat at angkop na pagtuturo at paggabay na kailangan nila upang maabot ang kanilang mga pangarap at magandang kinabukasan,” ani Advincula.
Tiwala naman ang mambabatas na sa pamamagitan ng nasabing proyekto ay maisasakatuparan na ang mga pangarap at magandang kinabukasan para sa bawat batang Imuseño.
“Sa tulong ng ating lokal na pamahalaan, ng Department of Education, at ng iba pang mga katuwang na ahensya, sisikapin nating matapos ang City of Imus Integrated School – Maharlika sa lalong madaling panahon. Naniniwala ako na sa pamamagitan ng proyektong ito, mas marami pang mga batang Imuseño ang magkakaroon ng pagkakataon na makapag-aral at makapagtapos ng kanilang pag-aaral,” dagdag pa ni Advincula.
Ang City of Imus Integrated School – Maharlika ay inaasahang matatapos sa ikalawang kwarto ng taong 2024.
Discover more from Cavite News
Subscribe to get the latest posts sent to your email.
2 COMMENTS