Pinapayagan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-aresto kahit walang warrant sa mga kasong may kinalaman sa bilihan at bentahan ng boto para sa 2025 pambansa at lokal na halalan, pati na rin sa kauna-unahang Parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon sa Resolution No. 11104, pinalalawak nito ang kapangyarihan ng Komite ng Kontra Bigay bilang bahagi ng mga patakaran laban sa pang-aabuso ng mga rekurso sa halalan.
Nakasaad sa Section 262 ng Omnibus Election Code na ang pagbili at pagbenta ng boto ay itinuturing na election offense.
Ayon pa sa resolusyon, maaaring arestuhin ng sinumang alagad ng batas, kahit walang warrant, ang isang tao kung ito ay mahuhuli sa aktong gumagawa, nagtatangkang gumawa, o gumawa na ng nasabing paglabag, kabilang ang ASR (abuse of state resources).
Dagdag pa rito, ang lahat ng warrantless arrest na naaayon sa Rule 113 ng Revised Rules of Criminal Procedure ay ipapatupad sa ilalim ng mga patakarang ito.
Nakasaad din sa resolusyon na kukumpiskahin ng mga awtoridad ang anumang election materials na ginamit sa bilihan at bentahan ng boto.
Discover more from Cavite News
Subscribe to get the latest posts sent to your email.