Inirekomenda ng Commission on Audit (COA) sa Municipal Mayor ng Kawit Angelo Aguinaldo na ayusin ang anomaliya ng ₱6.2 milyong halaga ng office supplies na binili gamit ang Special Education Fund (SEF) noong 2020.
Sa ulat ng COA, ang nasabing halagang ₱6,218,562.00 ay direktang naitala bilang Office Supplies Expense sa halip na ilagay muna sa inventory account, na labag sa Sections 188, 189, at 190 ng Government Accounting Manual (GAM) para sa Local Government Units.
Wala ring suportang Report of Supplies and Materials Issued (RSMI) at Requisition and Issue Slip (RIS) ang mga transaksiyon, kaya nag-duda ang COA sa validity ng distribution at correctness ng balances ng Office Supplies Expenses na umabot sa ₱6,221,562.00 sa SEF books hanggang Disyembre 31, 2020.
Ayon sa verification ng accounts, ang mga office supplies na binili ay para sa operasyon ng Kawit District Office at 13 paaralan sa lokalidad.
Kabilang sa mga biniling supplies ay 6,500 reams ng bond paper A4 (₱1,638,000.00), 2,000 reams ng bond paper legal size (₱548,500.00), 1,500 reams ng mimeographing paper (₱438,000.00), 23,000 piraso ng plastic expanded envelope (₱1,748,000.00), 450 tubes ng RISO SF ink type (₱760,500.00), at 30 rolls ng RISO SF master F type (₱87,000.00).
Inireklamo ng COA na ang mga disbursements para sa procurement ay direktang naitala bilang Office Supplies Expense, at hindi sinunod ang regulasyon sa Inventories.
Dagdag pa, walang suportang RIS ang issuances ng supplies, kaya nag-duda ang COA kung tunay ngang naipamahagi sa end-users ang mga ito.
Inirekomenda ng COA sa Municipal Mayor na utusan ang Municipal Accountant na isama ang mga office supplies sa inventory account at kilalanin lang bilang expense kung kailan ito aktwal na ginagamit o ipinamahagi batay sa RSMI na isusubmit ng District Property Custodian.
Hiniling din ng COA sa Municipal Mayor, sa pamamagitan ng District Supervisor, na pasumitin sa Accounting Office ang RSMI kasama ang RIS ng lahat ng office supplies na inisyu upang mapadali ang pagre-rekord ng office supplies expense sa mga libro.


Discover more from Cavite News
Subscribe to get the latest posts sent to your email.




