KAWIT, Cavite — Naglabas ang Commission on Audit (COA) ng ulat na nagpapakita ng mga iregularidad at kurapsyon sa paggamit ng Special Education Fund (SEF) ng Munisipalidad ng Kawit sa ilalim ni Mayor Angelo Aguinaldo noong 2020, na nagkakahalaga ng P6,218,562.00.
Ayon sa ulat, ang naturang halaga ay direktang itinala bilang “outright expense” na walang karampatang Report of Supplies and Materials Issued (RSMI) at Requisition and Issue Slip (RIS) na kinakailangan alinsunod sa Government Accounting Manual (GAM) para sa Local Government Units.
Ang pagbili ng mga office supplies, na nakalaan para sa Kawit District Office at 13 paaralan sa lokalidad, ay hindi sumunod sa mga seksyon 188, 189 at 190 ng GAM. Ang mga naturang probisyon ay nag-aatas na ang mga inbentaryo ay dapat maayos na naidodokumento sa pamamagitan ng mga tamang dokumento bago gawing gastusin.
Binigyang-diin sa ulat na ang mga sumusunod na item ay direktang itinala bilang gastusin noong 2020:
– P998,562.00 para sa iba’t ibang office supplies para sa 13 paaralan
– P2,624,500.00 para sa bond paper at mimeographing paper
– P1,748,000.00 para sa 23,000 piraso ng plastic expanded envelope
– P847,500.00 para sa RISO SF ink at master
Ipinahayag ng COA na ang ganitong gawain ay nagdudulot ng alinlangan sa wastong pamamahagi ng mga item at katumpakan ng P6,221,562.00 na nakatalang gastusin sa SEF books hanggang Disyembre 31, 2020.
Inirekomenda ng ahensya na iutos ni Mayor Angelo Aguinaldo sa Municipal Accountant na itala ang mga nabiling office supplies bilang inventory account, at kilalanin lamang bilang gastusin kapag nagamit na o naipamahagi na batay sa RSMI.
Hiniling din ng COA na atasan ng alkalde ang District Property Custodian na magsumite ng RSMI at RIS sa Accounting Office para sa lahat ng inisyung office supplies upang masiguro ang tamang pagtatala ng mga gastusin.
Ang mga paglabag sa mga accounting rules ay nagdudulot ng posibilidad na ang mga naturang supply ay hindi naabot ang mga target na end-users o hindi naipatupad sa tamang paraan ang mga proyekto ng edukasyon, bagay na maaaring magpahiwatig ng malawakang mismanagement ng pondo sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Aguinaldo.
Hanggang sa paglalathala ng balitang ito, wala pang inilalabas na pahayag ang tanggapan ni Mayor Aguinaldo tungkol sa mga napag-alamang iregularidad.
Discover more from Cavite News
Subscribe to get the latest posts sent to your email.